“ bilanggo sa rehas na gawa ng puso mo. ”
tila siya pa rin ang iyong iniisip
ang mukhang lumalabas sa iyong panaginip
ang nakaraan na pag-ibig na nais mong masagip.
ang matamis niyang ngalan ang iyong bukambibig,
siya pa rin ba ang nananaig?
sa puso mong nilupig?
ika’y nagmistulang sundalong sumabak sa gyera,
nakipagtalo sa isang pakikibaka,
ang pagpili kung ipaglalaban o palalayain na ba,
ang mga ala-ala.
ngunit alam kong hindi ka makakalimot,
lalong-lalo na’t siya ang nangunguna sa'yong ala-ala.
ano nga ba ang aming pinagkaiba?
magkalayo naman kami sa hitsura,
sa pananamit at postura.
kung iisa-isahin naman ang aming pagkakatulad,
aakalain mong parang kami’y iisa lamang,
na parang ipinaghiwalay kami sa ibang katawan.
ang aming pagkatulad—
ay ang magkaroon ng lugar sa iyong mala-bakal na puso,
sa tuwing nakikita mo ba ako,
siya kaagad ang naipipinta ng isipan mo?
sa tuwing inilalahad ko ang matatamis kong mga salita,
ang mapait na kahapon pa rin ba ang nais mong matamasa?
napapansin mo ba kaya ang aking damdamin?
kagaya ng isang punong handang maging silong,
sa panahong kailangan mo ng masisilungan.
nararamdaman mo ba kaya ang aking presensya?
kagaya ng hangin na handang yumapos sa'yo,
sa mga araw na kailangan mo ng kasangga.
naririnig mo ba ako?
ang himig na nakakubli sa aking damdamin,
ang tulang nais kong iparating.
balang araw,
ako'y makikilala mo,
bilang ako.
balang araw,
mamumukhaan mo ako,
bilang ako.
balang araw,
maaalala mo ako,
bilang ako.
balang araw,
maipipinta mo rin ang aking mukha sa'yong memorya,
nang walang iniisip na iba.
hindi ako siya.
at wala ng iba.
- misselysia, 2025.